Thursday, March 13, 2008

Ang Nunal

Ang nunal.
Masdan ang nunal niyang
Malaki?t maitim.
Ano kaya ang tinatago
Nitong lihim?

Shhhhhhhhhh!
Ang nunal.
Ang sabi ng iba,
Ang nunal daw, ay tanda ng ganda.
Ang sabi ko naman,
Aba, kumporme sa bida.
May babaeng gaya-gaya,
Kamukha daw ng artista,
Nang tumakbo sa halalan,
Nunal ay ipinangalandakan.

Ang nunal!
Ang sabi ng Medical Encyclopedia,
Maaring mag-iba
Ang hitsura ng nunal.
Maaring magpalit ng hugis,
Lumaki, anong kahindikhindik,
Lumolobo sa kanyang kananakaw,
Sa kanyang kauumit!
Nunal na nagbabago ng kulay,
Nagmimistulang may buhay!
Itong nunal kaya?y nangingitim
Sa dami ng pinaslang,
Ng budhi niyang anong dilim?

Mga kababayan! Masdan ang nunal!
Hindi ito palaisipan,
Wala nang maililihim
Ang nunal na sakim.
Sa nunal na ito, anong dapat gawin,
Kung pagsisimulan ng kanser na kumakalat,
Kanser na pumapatay, kanser na pahirap?
Tanggalin natin ang nunal!
Sunugin kung kinakailangan!
Sa nunal na kanser ang siyang katulad,
Bayan natin ay iligtas!
Ito ang tawag, ang hamon sa ating lahat!
~joi barrios~

No comments: